Ngayong umaga hindi ko alam kung anu ang sumapi sa akin masamang espiritu at gustong-gusto ko maglabas ng nararamdaman siguro marahil marami lang kalat na tumatakbo sa utak ko. Parang meron karera sa loob ng bungo ko sa sobrang bilis e hindi ko na mahabol kung anu ba talaga. Marahil marami lang akong iniisip na nakakaburyo sa utak ko sa mga nakalipas na araw.

Ewan ko ba kung bakit pero bigla ko na lang naisip kung anu na nangyare sa buhay ko. Naging makabuluhan ba eto o sadyang naging bulok na nilalangaw sa paglipas ng panahon. Wala naman akong kagilagilalas na ginawa para maihirang kaugnay sina Rizal o Bonifacio. Simpleng tao lang ako na nangangarap.  Dati hindi ko alam kung anu ba talaga gusto ko sa buhay o kung anu ba talaga panagarap ko sa buhay. Ni-nung makatuntong ako ng kolehiyo parang happy go lucky lang ang drama ko. Para bang kung saan na lang ako mapadpad keri na –ok lang kumbaga. Pero lately, dinagsa ako ng mga pangarap, mga gustong gawin sa buhay. Parang mga kwitis na nagsiputukan sa langit na sa antas ko ngayon ay masyadong mataas para pangarapin ang mga bagay lalo na sa isang dukhang tulad ko na wala pang nararating at napapatunayan.

Pero kahit papaano proud ako sa mga narating ko at mga naibahagi sa ibang tao.  Isang pagbabago sa akin na kumilos at maging aktibo na imbes iaasa sa iba e bakit hindi kaya ako ang gumawa ng paraan, ang kumilos –para maging solusyon? Hindi siguro. Maging parte siguro ng solusyon ay maaari pa. Sa mga susunod na entries ibabahagi ko kung anung mga pinagagagawa ko sa buhay ko. Baka kasi sa mga nagtatyagang magbasa ng mga entries ko e maimpluwensyahan ko kayo kahit papaanu. Makita niyo ang mga mali at tamang nagawa ko sa buhay. Hindi man magsilbing inspirasyon pero sana maging aral sa iba.